Ang HSA-UWC o Unification Church sa Pilipinas ay di-makatarungang nailarawan at naalipusta ng ilang mga iresponsableng opisyal ng pamahalan at ng media. Ang pahayag na ito'y naghahangad na maipaliwanag ang mga mali, di-mapatunayan at mga walang batayang ulat at saka mga maling pananaw.
1. KATANGIAN NG (HOLY BLESSING) BANAL NA PAGPAPALA - Ang Seremonya ng Holy Blessing ay idinaraos na simula pa noong 1960. Ang pinakahuli ay kinabibilangan ng hanggang 360,000 noong Agosto 25, 1995. Ito'y isang gawaing pang-relihiyong ritwal na pinangasiwaan nina Rev. at Mrs. Sun Myung Moon o ng kanilang kinatawan upang magbigay ng kanilang basbas o pagpapala sa mga magkapareha na sumumpang iibigin ang isa't isa magpakailanman. Ang seremonyang ito'y ang pinakasentro ng pananampalataya't tradisyong pang-relihiyon ng mga Unificationist. Ito ang pinakasagradong sakramento ng kanilang simbahan (Iglesia). Sa Seremonyang ito'y walang kasalan ang nagaganap.
2. ILEGAL NA KASALAN - Ang International Holy Blessing na ginanap sa PICC noong Enero 23, 1996 ay hindi isang seremonyang kasalan kundi isang karaniwang gawaing pang-relihiyong kung saan ang magkaparehay nangakong magpapakasal at mag-iibigan magpakailanman. Ang legal na pag-aasawa'y maaaring pagkatapos ng 40 araw o hanggang 3 taon batay sa kakayahan o kahandaan ng magkapareha. Kung ang isang pormal na kasunduan ay mangyari, ang kaukulang lisensiya'y makukuha ayon sa mga batas na umiiral sa bawat bansa. Ang mga seremonyang ito'y dati nang nagaganap sa Pilipinas subalit ngayon lamang sinisiyasat ang legalidad nito.
3. PAKYAWANG KASALAN (WHOLESALE WEDDING) SA MGA KOREANO - Habang ang karamihan ng magkaparehang sumali noong Enero 23, 1996 ay Koreano-Pilipino, ang iba naman ay Pilipino-Pilipino at mga taga-ibang bansa, at ang mga nalalabi pa'y ang mga dati nang mag-asawa't kasal na naghahangad na makatanggap ng basbas (pagpapala) ng Diyos sa pamamagitan ng Blessing Ceremony. Noong Holy Blessing ng 1992 ay may 800 Hapon-Pilipinong magkapareha ang lumahok.
4. MGA BABAENG KASAL SA PAMAMAGITAN NG KORYO" (MAIL-ORDER-BRIDES) - Ang mga International Holy Blessing ayon sa talaan ng Guiness Book of World Records ay idinaraos na simula pa noong 1960 na may pinakamalaking bilang na 360,000 na magkapareha noong Agosto 25, 1995 na nilahukan ng mga nagmula sa 160 bansa. Ang mga tao'y boluntaryong umanib sa kilusan at bahagi ng aming paniniwalang maaaring mabigyan sila ni Rev. Moon ng pang-habang buhay na kapareha. Ang kasunduang ito'y idinaos sa isang banal at relihiyosong konteksto bilang bahagi ng aming pangrelihiyong pananampalataya't hindi maaaring iugnay sa isang pangnegosyong konteksto ayon sa kanilang ipinararatang na "Mail-Order-Brides".
5. ILEGAL NA PANGANGALAP (ILLEGAL RECRUITMENT) - Ang mga miyembrong sumali sa Simbahan (Iglesia) o ang mga lumahok sa mga Blessing Ceremonies ay nahikayat sa pamamagitan ng mga katotohanan ng Unification Principle ni Rev. Sun Myung Moon na ipinangangaral ng pagiging perpekto ng isang indibidwal na tumutupad ng isang ulirang (ideyal) na pamilya batay sa katapatan bilang mag-asawa at maisakatuparan ang pandaigdigang kapayapaan at ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Kaya nga, ang mga paratang na pangangalap ng mga Pilipina bilang manggagawa para gawing mga katulong sa ibayong dagat o mga prostitute ay kapuna-punang isang kasinungalingan.
6. PAGBABAYAD NG HALAGANG 2,000 U.S $ - Sa HSA-UWC ay walang hinihinging sapilitang bayad sa pagiging miyembro o anumang ikapu na bahagi ng kinita (tithing). Ayon sa personal at boluntaryong kagustuhan ng isang miyembro'y maaaring sundin ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa abuluyan at ikapu. Sa panahon ng Holy Blessing, ito'y isang boluntaryong kaugaliang magbigay ng abuloy na pagpapasalamat upang matugunan ang mga gugulin sa nasabing okasyon.
7. MGA "MADALIAN" AT "INIWANAN" NA ASAWA - Ang iba-ibang ulat tungkol sa "madalian" at "iniwanan" na asawa'y tulad ng dati'y mga maling pananaw ng mga taong walang nalalaman dito. Totoong ang ilan sa mga magkapareha'y nagkita lamang nang personal sa unang pagkakataon sabalit dati na nilang natanggap ang mga larawan ng kanilang mga kapareha't sila'y nagkakaugnayan na sa pamamagitan ng sulat at telepono bago pa ang pagkakataong iyon. Pagkatapos ng Blessing Ceremony, ang kanilang mga kasunduan ay hindi pa magiging lubusan kaagad kundi pagkatapos lamang ng isang sapat na panahong makilala na nila ang isa't isa at makadalo sa mga advance seminar tungkol sa kahalagahang pangmoralidad. Ang mga Koreano'y bumalik sa Korea pagkatapos ng Holy Blessing upang makapaghanda sa buhay na may-pamilya sa hinaharap na kapiling ng kanilang mga Pilipinang mapapangasawa.
8. PAGTATALAGA/PAGPAPALA/PAG-AASAWA - Tanging ang mga taong walang asawa (single) ang may karapatang maka-apply upang maipares sa kanilang mapapangasawa sa hinaharap sa pamamagitan ni Rev. Sun Myung Moon na siyang mayroong walang katulad na katangiang kaloob ng Diyos na magtalaga batay sa complimentarity at compatibility ng magkapareha upang matugunan ang kanilang kapayapaan, kagalingan at kaligayahan. Maaaring i-reject ng isang naitalagang indibibwal ang inirekomendang kapareha niya, subalit ito'y mangilangilan lamang. Kung ang pagpaparehas ay kanilang tinanggap, ang kanilang relasyon ay mauuwi sa ligawan, basbas, kasalan at pagkatapos nito'y ulirang pamilya. Ang pagtatalaga ni Rev. Moon sa magkapareha'y nagsimula sa isang matagal nang kaugaliang Asyanong dito'y ipinagkasundo ang pag-aasawa at sa kasalukuyan ay ginagamit sa pangrelihiyong konteksto.
9. KAUTUSANG PIGILIN ANG PAG-ALIS NA INILABAS NG BID - Ang paratang ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) na mga ilegal daw and gawain ng Unification Church na umabot sa isang kawalang katarungang kautusan na pigilin nito ang pag-alis ng mga dumalo sa PICC Blessing at ang tuwirang pagpapababa sa eroplano ng 58 Pilipinang nakasakay patungong Seoul ay batay lamang sa mga di-nasiyasat, di-mapatunayan at walang batayang impormasyon. Ang karapatang pantao ng mga apektado'y ipinagkait.
10. "PAGSASAMANTALA" SA MGA PILIPINA SA SEOUL - pinalilitaw ng isang Aida Santos na siya'y ni-recruit ng isang Jun Felimon at iniulat na sekswal na pinagsamatalahan ng kanyang asawa. Ang taong ito'y nagbigay ng ulat sa Embahada ng Pilipinas sa Seoul. Siya'y isang Pilipinang miyembrong tumakas sa isang center ng Simbahan sa Seoul matapos na siya'y hindi maaaring maikasal nang legal sapagkat siya'y nagsinungaling nang siya'y mag-apply bilang single at di-kasal gayong siya palay may-asawa't kasal na at may limang anak. Sa dahilang siya'y pinayuhang bumalik na sa Pilipinas upang ayusin ang kanyang pagiging may-asawa, siya'y biglang nawala. Kaya, kung siya man ay napunta sa prostitusyon ay kanya nang sariling kalooban iyon.
11. WALANG PANLOLOKO O PAGSASAMANTALA SA MGA WALANG PINAG-ARALAN SA KANAYUNAN - Ang mga balita sa Media tungkol sa isang rehistradong nurse na dinala ni Jaime Tadeo sa BID ay tahasang sumasalungat sa mga paratang na pagsasamantala ng mga anak na babae ng mga magsasaka. Halos lahat ng aming mga miyembroy may pinag-aralan, tulad ng rehistradong nurse. Walang sinuman ang pinagsamantalahan ng Simbahan (Iglesia). Ang mga miyembro'y kusang loob na sumali depende sa kanilang kagustuhan na mapalapit sa Diyos at makasunod sa Kanyang mga utos. Walang sinumang niloko o binola. Ang mga miyembro'y sumali dahil sa kanilang paghahangad para sa kapayapaan, sa kanilang kagalingan at sa kanilang kaligayahang maaaring makamit sa pamamagitan ng pagtupad sa mga itinuturo sa Divine Principle ni Rev. Moon.
12. MGA MALING PARATANG - Ang mga pumupuna, naninira't kumakalaban sa Unification Movement ay matagal nang nagpapahayag ng mga katawa-tawang paratang tulad nito - ang Movement ay iniugnay sa C.I.A., K.C.I.A., Children of God, Yakuza at marami pang iba. Walang isa man sa mga paratang na ito ang - ngunit patuloy pa rin ang paninira sa Movement.
13. KAMPANYA NG PANINIRANG-PURI'T PAG-AALIPUSTA - Ang paninirang-puri't pag-aalipusta'y patuloy at walang pakundangan at sa kasalukuyan ay laganap na sa Pilipinas. Ang Unification Movement na taglay nito ang miyembro't tagapagtaguyod sa 163 bansa at sa mga pangmundong gawain nito sa akademya, kultura, kabataan, kapayapaang pandaigdig, media, relihiyon, repormang pangmoralidad at kaunlarang pang-ekonomiya'y hindi kailanman maituturing na isang kulto. Ang katawagang MOONIES, na ikinakapit sa mga Unificationist ay paglalantad ng isang hindi makatwirang paninira sa Movement bunga ng kanilang pagkainggit at pagkapanatikong pangrelihiyon.
14. "IPINAGBAWAL" NA SIMBAHAN (IGLESIA) - Ang Unification Movement ay tinanggap sa lahat ng bansa maliban sa Singapore na dito'y ipinagbabawal ang iba pang lehitimong samahan sa ibat-ibang mga kadahilanan. Ang HSA-UWC ay isang lehitimong samahang pangrelihiyon sa Pilipinas na nakarehistro sa SEC. Walang isang maliit mang katibayang magpapakitang may nilabag sa batas ang Movement. Samakatuwid, ang pagbabawal sa aming kilusan ay tahasang paglabag sa kalayaan naming pangrelihiyon at karapatang pantao. Sa katunayan, ang Holy Blessing Ceremony para sa 3.6 milyong magkapareha sa 1997 ay gaganapin sa Washington D.C. ayon sa paanyaya ng Alkalde nitong Lungsod.
15 MESIYAS AT TUNAY NA MGA MAGULANG - Si Rev. Sun Myung Moon ay pinupuna dahil sa kanyang pag-aangkin bilang isang makabagong Mesiyas (ibig sabihin ay "hinirang" o "tagapagligtas" batay sa terminong Judio -Moschiah at terminong Griyego - Christus) at sa pagpapahayag sa kanyang sarili't asawa na mga Tunay na Magulang (o Mga Ulirang Magulang, ayon sa panukala ng Diyos kina Adan at Eva bago pa sila nagkasala). Tahasang ipinahahayag ni Rev. Moon na ibig ng Diyos na lahat na tao'y maging Mesiyas at Tunay na Magulang. Ito ang pahayag na kanyang tinanggap mula sa Amang nasa Langit, para sa ikatutupad ng pandaigdigang kapayapan at ang Kaharian ng Diyos sa lupa at sa Langit.